Pagiging ‘worst in the world’ sa traffic ng Davao City dapat agad masolusyunan - Nograles
MANILA, Philippines — Isang ‘wake up call’ o pagmumulat sa katotohanan, na dapat bigyan ng kaukulang aksyon para resolbahin ang pagkakaturing sa Davao City bilang siyang pang-walo sa buong mundo at pinakauna naman sa hanay ng Southeast Asian countries na mayroong “worst traffic” o pinakamalalang problema sa trapiko.
Ayon kay dating Davao City congressman Karlo Nograles, kung hindi tutugunan agad ng lokal na pamahalaan ang datos na inilabas ng 2024 TomTom Traffic Index, na nagpapakita ng nasabing rankings ng lungsod, ay mas lalo umanong lalala ang problema.
Sinabi ni Nograles na ang traffic congestion sa Davao City ay hindi lamang pahirap, bagkus ito rin ay nagsisilbing sagabal sa paglago ng ekonomiya.
“When goods take longer to move, businesses lose money, and our productivity suffers. This issue affects every Dabawenyo, from commuters to entrepreneurs—mayaman at mahirap—and addressing it must be a top priority,” paggigiit pa ni Nograles.
Dagdag ni Nograles, nakalulungkot ang hindi magandang ranking na ito na nakuha ng Davao City dahil nagbibigay din ito ng negatibong mensahe sa mga investor at bibisita sa lungsod.
“Gusto natin mag-encourage ng investors para may maayos na trabaho para sa bawat Dabawenyo; pero mahihirapan tayo maghikayat ng mga negosyante kung alam nila na matindi ang problema ng traffic dito sa atin,” ayon pa kay Nograles.
- Latest