MANILA, Philippines — Tinatayang 500 pamilya ang naapektuhan sa naganap na sunog sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, nagsimulang kumalat ang apoy ng alas-5:05 ng umaga at mabilis itong umakyat sa ikaapat na alarma, bandang alas-5:30 ng umaga.
Nasa 18 ng fire trucks ang kinailangang umapula ng sunog hanggang sa maideklara itong “fire out” ng Bureau of Fire Protection (BFP) bandang alas-8:08 ng umaga.
Isang residente naman ang naiulat na sugatan matapos umano nitong tumalon mula sa ikatlong palapag ng kanilang tirahan upang makatakas sa naturang sunog.
Ayon sa naturang ulat, hindi pa tiyak ang magiging pansamantalang relokasyon ng mga pamilyang apektado ng sunog dahil maging ang kalapit na basketball court na dapat sana’y evacuation center ay nahagip din umano ng sunog.
Bagama’t hindi pa umano tiyak ang pinagmulan ng sunog, ayon sa panayam ng media kay Barangay 458 kagawad Gabriel de Guzman, hinihinalang sa kandila raw nagmula ang nasabing sunog.