Lalaki na wanted sa kasong rape, hinuli ng kanyang ka-date na police asset
MANILA, Philippines — Matapos ang isang dekadang pagtatago sa batas ay tuluyan nang napasakamay ng pulisya ang isang lalaki na wanted sa kasong panggagahasa sa San Juan, Batangas nang arestuhin ito ng ka-date niyang police asset sa Pasig City.
Ang biktima, pamangkin ng akusado na noon ay 14-na-taong gulang pa lang.
Ayon sa pulisya, matapos malaman na sinampahan ng kasong rape, agad na nagtago ang akusado sa bahagi ng Antipolo, Cainta at Maynila.
Naging mailap umano ito sa mga pulis dahil sinusuportahan siya ng kanyang pamilya sa kabila nang nagawa nitong krimen.
Sa nakuhang impormasyon ng mga otoridad, nalaman na “party goer” ang target at madalas gumigimik sa gabi.
Kamakailan lang, nabugbog umano ito sa isang bar sa Antipolo pero hindi siya nagsampa ng reklamo dahil malalaman na mayroon nakabinbing warrant of arrest.
Sa tulong ng confidential informant, nalaman ng mga pulis ang pinagtataguan ng akusado at agad nilang ipinain ang isa sa kanilang mga babaeng police asset.
Nakipag-usap umano ito sa social media hanggang sa makuha ang loob ng akusado at nagkasundo na magkita sa Pasig City kung saan siya nahuli ng mga pulis.
- Latest