Biyuda walang pambayad sa utang, tinodas
MANILA, Philippines — Isang 71-anyos na babaeng biyuda ang tinodas nang hindi makabayad ng P13,000 utang, nang pagsasaksakin ng pinagkakautangan nitong lalaki sa Brgy. Panacol, Aguilar,Pangasinan nitong Miyerkules ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), kinilala ang biktima na si Lydia Soriano, residente ng nasabing lugar. Ang suspect ay nakilala namang si Ron-Ron Veloria ng Brgy. San Gabriel, Bayambang, Pangasinan.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad ng ilang kapitbahay ng biktima na nakasaksi sa pangyayari, narinig nilang nagtatalo ang biktima at si Veloria na naniningil ng pautang na P13,000.
Dahilan walang maibayad ang matanda na umano’y gipit sa pera ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nito at ng suspect.
Nagdilim naman ang paningin ng suspect na dahilan sa matinding galit ay pinagsasaksak ang matanda na duguang humandusay.
Agad namang tumakas ang suspect matapos maisagawa ang krimen bagaman nagawa pang maisugod ang biktima sa pagamutan ay idineklara na itong dead on arrival.
Narekober naman ng mga otoridad sa crime scene ang patalim na ginamit sa pananaksak sa matanda.
- Latest