MANILA, Philippines — Patay ang dalawang katao habang nasa 20 ang sugatan matapos magsalpukan ang modern jeep at isang tricycle hanggang sa tuluyan itong mahulog sa tulay sa Brgy. Iba O Este, Calumpit, Bulacan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na sina Johnny Reyes, 44, tricycle driver ng Brgy. Caniogan at pasaherong si Angelica Esguerra, 27 ng North Ville-9, Brgy. Iba O Este.
Nasa 20 katao ang naitalang nasugatan sa naturang aksidente na ang karamihan ay pawang mga estudyante ng Bulacan State University.
Sa report, nangyari ang insidente, ala-1:40 ng hapon nitong Martes sa kahabaan ng Mc Arthur Highway sakop ng Brgy. Iba O Este.
Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang modern jeep na galing Malolos patungong Apalit hanggang sa kabigin ng driver ang manibela pakaliwa upang hindi mabangga ang mga kasunod na sasakyan subalit sinalpok ang kasalubong na tricycle at tuluyang nahulog ito sa tulay.
Ang driver ng modern jeep na nakilalang si Orlando Manayag Jr, 53 ng Sto. Tomas, Pampanga ay nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kaukulang kaso.