Warrant of arrest inilabas vs 29 pulis sa P6.7 bilyong drug haul
MANILA, Philippines — Naglabas ang Mababang Hukuman ng warrant of arrest laban sa 29 pulis na sinasabing sangkot umano sa kontrobersiyal na P6.7 bilyong shabu drug haul sa Maynila noong taong 2022.
Sa inilabas na kautusan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Gwyn Calina ng Branch 44, kamakalawa, kabilang sa mga ipinaaaresto ay sina PltGen. Benjamin Santos Jr., PBGen. Narciso Domingo, PCol. Julian Olonan, PltCol. Dhefry Punzalan, PLT Jonathan Sosongco, PMSG Carlos Bayeta, PAT Hustin Peter Guiar, PAT Rommer Bugarin, PAT Hassan Kalaw, PAT Dennis Carolino, PCPL Joshua Ivan Baltazar, PAT Nathaniel Gomez, PLT Ashrap Amerol, PSMS Jerrywin Rebosora, PSMS Marian Mananghaya, PMSG Lorenzo Catarata, PSSG Arnold Tibay, PCol. Arnulfo Ibanez, Plt. Col. Glenn Gonzalez, PMaj. Michael Angelo Salmingo, PLT Randolph Pinon, PAT Mario Atchuela, PAT Windel De Ramos, PLT Silverio Bulleser II, PCMS Emmanuele Docena, PMSG Alejandro Flores, PCPL Jhan Roland Gelacio, PAT James Osalvo, at PAT Darius Camacho.
Sa kautusan ng hukuman, inatasan din ang mga naturang pulis na maglagak ng tig-P200,000 piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.
May kaugnayan ang pagpapaaresto sa umano’y paglabag ng mga naturang pulis sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, matapos na umano’y magkaroon ng cover up sa operasyon, na sinasabing nagresulta sa pagkakakumpiska ng 990 kilo ng shabu sa Maynila.
Nabatid na ang arrest order ay para lamang sa mishandling o kapalpakan sa prosekusyon na nagawa ng mga naturang pulis at walang inilabas na hiwalay na arrest warrant para sa kinakaharap din nilang kasong pagtatanim ng ebidensiya, na isang non-bailable offense.
- Latest