NPA rebels wala nang kakayahang manggulo sa eleksiyon – PA

MANILA, Philippines — Inihayag ni Philippine Army Spokesman Col. Louie Dema-ala na wala nang sapat na kakayahan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) para maghasik ng kaguluhan sa May 2025 midterm elections.

“Sa kasalukuyang estado ng NPA (New People’s Army), eto ay wala nang kakayahan para maimpluwensyahan ang takbo ng nalalapit na halalan ngayong taon,” ayon kay Dema-ala.

Tinukoy ni Dema-ala na isa sa naging basehan nito ay ang matagumpay na pagkakalansag ng tropa ng mga sundalo sa 88 mula sa kabuuang 89 NPA guerilla fronts sa buong bansa kung saan isang mahina na ang puwersang grupo ng mga rebelde na lamang ang kanilang target lansagin.

Sa pagtaya ng militar, nasa mahigit na lamang 1,000 ang puwersa ng mga rebeldeng komunista sa bansa kung saan watak- watak na ang puwersa ng mga ito.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na nanatili pa ring nakaalerto ang pu­wersa ng Philippine Army lalo na sa mga kana­yunan at mananatili ang kanilang isinasagawang security operations upang tiyakin ang maayos at mapayapang halalan sa bansa.

Show comments