Lalaki na suspek sa pagpatay sa dalagita, arestado
MANILA, Philippines — Dahil sa pagbabanta ay aksidenteng nahuli ng mga otoridad ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa isang 15-anyos na babae, may isang linggo na ang nakalilipas sa Mulanay, Quezon.
Ayon kay Major Ian Java, chief of police sa bayang ito, dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon ay naglalakad sa kalye ang magpinsang Alberto at Ronnie nang lapitan at pagbantaan ni alyas Marcelino, 48 habang may hawak na gulok.
Pinagbantaan umano ng suspek ang magpinsan na papatayin at isusunod sa kanilang pamangkin.
Tiyempo namang nagpapatrulya sa lugar ang mga operatiba ng Mulanay PNP kung kaya’t isinumbong ng magpinsan ang suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Sa interogasyon sa himpilan ng pulisya ay natuklasan na ang suspek ang pumaslang sa 15-anyos na si alyas Angelita noong January 3, 2025 sa Barangay Anonang ng nasabing bayan.
Si Angelita ay huling nakita ng saksi na hinahatak ng suspek patungo sa kagubatan at makaraan ay nakitang laslas ang leeg at patay na.
- Latest