Bato dismayado sa pagtanggal sa mga ex-president sa NSC

In this undated file photo shows Sen. Ronald Dela Rosa.

MANILA, Philippines — Nagpahayag nang pagkadisymaya si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang mga dating presidente ng bansa bilang kasapi ng National Security Council (NSC).

“Sayang, ako’y nanghihinayang sa experience –the wealth of experience ng mga former presidents that could be converted into valuable inputs in crafting defense policies ng sitting president,”pahayag pa ni Dela Rosa.

Sa pamamagitan ng Executive Order 81, inutos ni Pres. Marcos ang reorganisasyon ng NSC partikular ang pagtatanggal kay Vice President Sara Duterte, at pag-aalis sa mga dating president na sina Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Rodrigo Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, batid niyang prerogatiba ni Marcos na ireorganisa ang lahat ng departamento at tanggapan sa ilalim ng executive branch, at ang pagtatanggal kay Vice President Duterte sa council ay hindi na bago dahil si dating VP Leni Robredo ay inalis din sa NSC.

Subalit, nanghihinayang pa rin si Dela Rosa sa pag-aalis sa mga dating pangulo dahil maaaring makapagbigay sila ng kaukulang impormasyon na mapakikinabangan ni Marcos. Iniutos din sa EO 81 ang pagsasama sa tatlong deputy speakers, na itinalaga ng Speaker, bilang members na NSC, kapalit ng “De­puty Speakers for Luzon, Visayas, at Mindanao” na siyang nasa nakalipas na reorganisasyon ng Arroyo administration noong 2001.

Show comments