2 ex-BFAR execs, nagpiyansa sa graft cases

MANILA, Philippines — Nagpiyansa ang dalawang dating mataas na opisyal ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) para sa 4 counts ng graft na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa P2-bilyong vessel monitoring system (VMS) project noong 2018.

Naglagak ng tig-P360,000 piyansa sina dating DA Undersecretary for Fisheries at BFAR National Director Eduardo B. Gongona at dating BFAR National Director Demosthenes R. Escoto sa ­Antipolo City Regional Trial Court (RTC) para sa pansamantala nilang kalayaan. Itinakda ng korte ang arraignment sa Enero 22 at ang pre-trial sa Pebrero 26.

Sina Gongona at Escoto ay kinasuhan ng dalawang paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) dahil sa umano’y maling paggawad ng kontrata sa isang British company. Kabilang din sa akusado si Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd (SRT-UK).

Nagpiyansa sina Gongona at Escoto noong Enero 6 matapos maglabas ng arrest warrants ang Antipolo RTC. Orihinal na isinampa ang kaso sa Quezon City RTC noong Disyembre 3 ngunit inilipat sa Antipolo RTC dahil sa jurisdiction issue.

Nagmula ang mga kasong graft sa reklamong inihain ni Atty. James Mier Victoriano laban kina Gongona, Escoto, Tucker, dating DA Assistant Secretary Hansel Didulo, at Chief Financial Officer ng SRT-UK na si Richard Hurd.

Show comments