MANILA, Philippines — Tapos na ang isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina Pang. Ferdinand “Bongbong’’ Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong nakaraang taon, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang public briefing, sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon na inimpormahan na sila ng NBI na natapos na nila ang imbestigasyon sa kaso ngunit kinakailangan pa aniya itong i-evaluate ng DOJ.
Ayon kay Fadullon, magpapadala sila ng mga prosecutor upang tingnan at pag-aralan ang mga ebidensiyang nakalap na nasa kustodiya ng NBI.
Aniya, kaagad din silang magsasagawa ng rekomendasyon kung ihahain ang kaso sa DOJ o ibabalik ito sa NBI, depende sa magiging resulta ng pag-aaral.
Samantala, sinabi naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na ang pag-evaluate sa resulta ng imbestigasyon ng NBI ay bahagi ng ‘case build up.’
Sakali aniyang makumpirma sa ebalwasyon na may sapat na ebidensiya para sa isang preliminary investigation, ay saka pa lamang sila magsasagawa ng paunang pagdinig dito. - Gemma Garcia, Ludy Bermudo