MANILA, Philippines — Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dapat ituon ng House Quad Committee ang kanilang enerhiya sa pagsisiyasat sa paglaganap ng krimen sa bansa sa halip na sayangin ang oras sa pagkulong sa mabubuti na dati at kasalukuyang mga pulis na tapat na naglilingkod sa bayan. Ginawa ng senador ang pahayag matapos dumalo sa burol ng isang security guard na si Reynaldo Bigno na nabaril ng isang pulis sa loob ng pampasaherong bus sa Makilala, Cotabato noong Disyembre 28.
Nasugatan din sa insidente ang dalawang pulis na nagbabantay sa isang check point. “Ayun dapat ang imbestihan ng QuadComm,‘yung mga ganyang insidente ba, na bakit dumarami na ngayon ang mga taong kriminal na malakas na ang loob mamaril ng pulis,” sabi ni Dela Rosa.
“Hindi ‘yung mga pulis na nagtatrabaho ng maayos. Katulad ni Gen. Wilkins Villanueva… cinite in contempt pa nila, ‘di ba?” dagdag niya.
Ayon sa dating Philippine National Police (PNP) chief, hindi na iginalang ng mga kriminal ang mga otoridad dahil tinatanong naman sila House Quad Comm sa kanilang mga imbestigasyon.
“Kaya mas lalong lumakas loob ng mga kriminal, lumakas ang loob ng mga drug pusher, ng mga drug lord dahil wala na silang kinakatakutan. Hindi na sila natatakot sa mga awtoridad dahil ‘yung otoridad, iniipit nila sa Quadcom,” ani Dela Rosa.