MANILA, Philippines — Sampung katao ang inaresto ng kapulisan sa paglabag sa Omnibus Election Code ng Commission on Elections (COMELEC) gun ban, na nagsimula kahapon.
Ayon kay P/Col. Ferdinand D. Germino, provincial director ng NEPPO, nagsimula ang sabay-sabay na checkpoint operation sa buong lalawigan ng Nueva Ecija, alas-12:00 ng madaling araw na hudyat nang pagsisimula ng mahigpit na pagpapatupad ng gun ban para sa 2025 midterm elections.
Nahuli ang pitong suspek sa magkakahiwalay na checkpoint sa lungsod na ito at sa mga bayan ng San Leonardo, Jaen, Quezon at Talavera.
Naaresto ng San Leonardo Police Station ang isang indibidwal at nakumpiska ang isang .38 caliber revolver habang sa Jaen Police Station ay nakahuli rin ng isa at narekober ang isang .9mm pistol na may walong bala.
Sa Cabanatuan City Police Station ay tatlong indibidwal ang nahuli at nasamsam ang dalawang baril. Isang indibidwal din ang naaresto ng Quezon Police Station at narekober ang dala nitong .9mm pistol habang isa rin ang inaresto ng Talavera Police Station at nakumpiska ang isang .38 caliber revolver.
Samantala,apat indibidwal din mula sa rehiyon ng BARMM, Region12 (Soccsksargen), Region 6 (Western Visayas) at Region 3 (Central Luzon) ang naaresto sa gun ban.
Ang 10 indibidwal ay kakasuhan ng paglabag sa section 261 ng Omnibus Election Code Comelec Gun Ban, RA 10591 at RA 9165.