Kamara itutulak ang habambuhay kulong at P10 milyong multa sa scammer ng mga OFW
MANILA, Philippines — Itinutulak ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist ang mas mabigat na parusa at pagkakulong sa sinumang manloloko at mambibiktima ng mga OFW at ng kanyang pamilya.
Ihahain ngayong araw, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, ni Cong. Tulfo at mga kasamahan ang House Bill na “An act penalizing fraud against Overseas Filipino Workers (OFW) and providing penalties for violation thereof”.
Hindi bababa sa P10 milyon ang multa at 20 taon hanggang life imprisonment sa sinumang mapapatunayang nagkasala sa panloloko sa mga OFW.
Kasama ni Tulfo na maghahain ng panukalang batas ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo.
Ayon kay Tulfo, kalimitan ay na-i-scam ang mga OFW sa mga business investment tulad ng networking o lending, college plan ng mga bata, at pabahay.
“Kadalasan ang natatanggap naming sumbong ay mga OFW na binibiktima ng mga scammer, lalo na tuwing uuwi sila sa Pilipinas,” ani Cong. Tulfo.
- Latest