Ama na kumidnap sa 11-anyos anak, inaresto

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang ama na inireklamo ng dating asawa nang pagdukot sa kanilang 11-anyos na anak na lalaki bago magpasko sa Laguna,sa isang police operation,kamakalawa.

Nabatid na inireklamo ang suspek na si alyas “Joseph”, 39 ng dating misis na si alyas “Ruth”, 30s, sa mga paglabag sa Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act 9262) at Article 250 (Kidnapping and Failure to Return a Minor) ng Revised Penal Code sa “Sumbong Nyo Aksyon Agad” TV program, sa Camp Crame, Quezon City at ini-refer sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng  Parañaque City Police Station.

Sa sumbong ni Ruth, dumanas siya ng emotional abuse sa suspek simula noong 2019 kaya hiniwalayan niya ang suspek.

Nabatid na Disyembre 20, 2024, alas-4:00 ng hapon nang puntahan ni Joseph si Ruth sa laundry shop sa Trece Martires, Cavite at pinagbigyan na mahiram ang anak sa pangakong ibabalik sa araw ng pasukan ng klase, subalit hindi natupad, at sa halip sinabihan siya na ligtas  na maibabalik ang kanilang anak kung makikipagbalikan siya.

Matapos ang documentation isinailalim sa direct filing ang reklamo sa Parañaque City Prosecutor’s Office at nang matanggap ang impormasyon mula sa kamag-anak na namataan ang mag-ama sa Sta. Rosa, Laguna ay isinagawa ang pag-aresto.

Show comments