Palakasan sa pagkuha ng business permit sa Pasay, ‘di na uubra

MANILA, Philippines — “Hindi uubra ang palakasan system sa Pasay City”. Ito ang naging paalala ni Atty. Patrick Legaspi, officer-in-charge ng Pasay Business Permit and Licensing Office (BPLO) kasunod ng umano’y patuloy na operasyon ng Wowee Market na binigyan lamang  nila ng probationary permit noong nakaraang taon dahil sa kawalan ng fire safety permit, sanitary at occupational permit.

Sinabi ni Legaspi na paulit-ulit na nilang pinadalhan ng notice ang nasabing palengke upang  kumpletuhin ang mga dokumento subalit paisa-isa naman ang pagsusumite ng mga dokumento  nito.

Giit ni Legaspi, malinaw  ang direktiba sa kanila ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano na bigyan ng konsiderasyon ang lahat ng negosyo kaya’t binibigyan nila ng panahon  ang mga negosyante na sundin ang  proseso hanggang sa Enero 20 upang makakuha ng business permit.

“Kung wala pa rin silang complete requirements, wala po tayong magagawa. Hindi natin sila bibigyan ng permit to operate hangga’t walang completion of requirements. Hindi po natin pwedeng isaalang-alang ang kaligtasan ng publiko lalo na kung wala silang fire safety at sanitary permit,” ani Legaspi.

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang dagsa ng mga renewal application sa business permit gayundin ang  pagbubukas ng on-site at online business application ng BPLO upang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng business establishment na makakuha ng permit.

Show comments