MANILA, Philippines — Malapitang binaril ang isang 22-anyos na lalaki na criminology student ng umano’y tiyuhin ng babaeng kanyang ginahasa sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Dead on arrival sa Oriental Mindoro Central District Hospital ang biktima na residente ng Sitio Loob, Brgy. Quinabigan, Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Police Lt.Col. Joel Paningbatan, hepe ng Pinamalayan Municipal Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi ay nakatayo ang biktima sa tapat ng isang tindahan sa nabanggit na barangay nang lapitan ng suspek at barilin gamit ang caliber 45 na baril.
Ayon kay Paningbatan, ang biktima ay nahaharap umano sa kasong panggagahasa sa pamangkin ng suspek.
“Ito yung rapist sabi ng suspek, nagkaroon ng pagtatalo tapos yun binaril na,” sabi ni Paningbatan.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek.