MANILA, Philippines — Nagbabala si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na sisibakin ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa moonlighting o bodyguard sa mga kandidato ngayong papalapit na ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Marbil, “strictly not allowed” ang ganitong gawain para sa mga pulis at may kaparusahang aabot sa pagkakasibak sa tungkulin ang sinumang mahuhuling pulis na gagawa nito.
Paliwanag ni Marbil na nakalaan lamang ang mga security escort na aprubado ng Commission on Elections kung may lehitimong threat o banta sa buhay ng isang politiko.
Ngunit kailangan pa aniyang linawin at pag-usapan ang mga patakaran ukol dito kasama ang poll body at hanggang sa 2 police escort lamang ang maaring ibigay sa isang kandidato.
Binalaan ni Marbil ang mga pulis na lalabag sa kautusan na sila’y matatanggal sa serbisyo at ang mga kasamahan nilang magtatangkang protektahan ay makakasuhan din.