MANILA, Philippines — Sampung pasahero ang nasugatan sa naganap na karambola ng truck, van, at kotse sa northbound ng EDSA paglampas ng Dario Bridge, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Asuncion Avestruz-Cabaces; Leslie Marie Rosario; Ma. Luisa Dioso; Ryan Gil Cabulay; John Carl Oñe; Lorens Cris Macalino; Bennie Rivera; Jimson De Leon; Jan Carlo Santos, at Roberto Salinas.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa EDSA Darius bridge u-turn slot, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa imbestigasyon, kapwa binabaybay ni Kimbert Francis Migriño Canarias, 20, sakay ng Honda City (XLT-817), at Roberto Macaranas Slainas, 50, driver ng Toyota Hi Ace Commuter Van (SJA-836), ang kahabaan ng EDSA north bound lane galing North Ave., patungo sa Monumento.
Pagsapit sa nasabing lugar ng aksidente, biglang nasalpok ng Howo Dump Truck (NBJ-2661) na minamaneho ni Emmanuel Lacbayan Melo, 38, ang Toyota Hi Ace Commuter Van, at dahil sa lakas ng impact, ay bumangga ang likurang bahagi ng Honda City na noon ay nakatigil.
Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa katawan ang 10 pasahero ng Hi Ace Van at dinala sa Quezon City General Hospital para sa karampatang lunas.