MANILA, Philippines — Inaasahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdagsa ng mahigit 6.5 milyong deboto ng Black Nazarene o Traslacion sa Maynila ngayong araw.
Ayon kay NCRPO Director Brig. Gen. Anthony Aberin, na nakapag-set up na sila ng mga hakbang sa seguridad at nagtalaga ng sapat na bilang ng mga pulis upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagsasagawa ng mahabang prusisyon. Muling pinaalala ni Aberin na mahigpit na ipatutupad sa Maynila ang ilang alituntunin tulad ng ipinatupad na gun ban simula Miyerkules.
Gayundin ang pagbabawal sa mga deboto sa pagdadala ng backpacks, payong, alcohol, baril.
Bawal din ang mga vendor sa malapit at paligid ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church, liquor ban sa loob ng 300 meters sa lugar na malapit sa Simbahan at ruta.
Mahigpit ding ipatutupad ang “no-fly, no-drone at no-sail zones.
Umapela rin si Aberin sa mga deboto na maging mapagmatyag laban sa mga mandurukot na magsasamantala sa okasyon.
Pinayuhan din ang mga magulang na huwag nang magsama ng mga maliliit na anak na posibleng maging alalahanin pa dahil sa hindi kontroladong galaw ng mga makikilahok sa prusisyon.