MANILA, Philippines — Iniulat ng Konsulado ng Pilipinas sa Hawaii na dalawang Pinay na magkapatid ang kabilang sa tatlong babae na nasawi sa pagsalubong ng Bagong Taon dahil sa mga ilegal na pailaw sa Honolulu.
Kinilala ang nasawing magkapatid na sina Carmelita Turalva Benigno and Nelly Turalva Ibarra.
Nagtamo rin ng sunog sa katawan ang dalawang anak, pamangkin at tatlong taong gulang na apo ni Carmelita na kasalukuyang ginagamot sa ospital at 30 na iba pa.
Lumalabas sa inisyal na ulat ng otoridad na nagsimula ang trahedya dahil sa pagisisindi ng isang cake na may mga nakalagay na 50 aerial rockets o pailaw.
Dahil dito, kaya sumabog ang mga paputok at dumiretso pa sa ibang kahon ng paputok sanhi ng pagsabog at tinamaan ang mga nagsasaya sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nanawagan na ng tulong pinansyal at panalangin ang pamangkin ni Benigno na si Raylan Benigno para sa kanyang mga mahal na sa buhay na nasa ospital.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Consulate sa Honolulu sa lokal na pulisya roon para mabatid kung may iba pang Pinoy na nadamay sa insidente.