MANILA, Philippines — Mas matindi pang girian at hidwaan sa pagitan ng dinastiya sa pulitika ang nakaamba sa pagitan ng kampo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte matapos na tanggalin ang huli sa mga opisyal na bumubuo sa National Security Council (NSC) alinsunod sa inisyung Executive Order No. 81 ng Pangulo na isinapubliko nitong Biyernes.
Bukod kay VP Sara, tinanggal na rin sa NSC ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan binigyang katwiran ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na kailangan ang mag-ama sa NSC dahilan hindi na ng mga ito nagagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa NSC.
“Ang pagtanggal kina VP Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa National Security Council ay nagpapakita lang na simula pa lang ng taon ay simula na naman ang mas matinding bakbakan ng dalawang nangungunang political dynasties sa bansa,” pahayag ni House Assistant Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Re. France Castro.
Inihayag ni Castro na sigurado umanong mangngingitngit ang mag-aamang Duterte dahilan sa pagpapatalsik sa kanilang mag-ama sa mga bumubuo sa NSC sa papatindi pang hidwaan ng mga Marcos at ng mga Duterte.
Una nang kinuwestiyon ni VP Sara kung bakit nag-meeting ang NSC nang hindi ipinaalam sa kaniya matapos namang mag-isyu ang una ng death threat laban kay PBBM kung saan ay may kinontak na umano siyang “hired assassin” na itutumba ang Punong Ehekutibo, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung may mangyaring masama sa kaniya.