Dalaga, patay; nobyo sugatan sa taga ng stepdad
MANILA, Philippines — Patay ang 19-anyos dalaga habang nasugatan ang kanyang nobyo matapos pagtatagain ng kanyang ama-amahan na umaawat lamang, naganap sa Brgy.San Juan, Taytay, Rizal, kamakalawa.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital System ay kinilalang si Mitch Analea Bartolome, Grade 11 student at residente ng Phase 10, Greenwoods, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Habang sugatan at naka-confine sa East Avenue Medical Center ang kanyang nobyong si Jake Montañez.
Nakatakas naman ang suspek na si alyas ‘Jiemboy,’ 44, caretaker/maintenance, na kinakasama ng ina ni Bartolome, at residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station na dakong alas-4:00 ng madaling araw nitong Enero 1, nang maganap ang krimen sa Ejercito Avenue, malapit sa Tapayan Bridge.
Nabatid na katatapos lamang umano ng magkasintahan na ipagdiwang ang Bagong Taon at sa hindi pa batid na kadahilanan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima.
Dito na umano kumuha ng itak ang suspek at pinagtataga ang dalaga at nang tangkang umawat si Montañez ay siya naman ang pinagbalingang pagtatagain ng suspek.
Tinutugis na ng mga otoridad ang tumakas na suspek upang panagutin sa krimen.
- Latest