Barbero nilaslas ang leeg ng lalaking kaaway
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 42-anyos na lalaki nang laslasin ang kanyang leeg ng isang barbero na kaaway nito habang sinasalubong ang Bagong Taon, naganap sa Sitio Sapang Palay, Brgy. Sugcad, Polangui, Albay.
Ang nasawing biktima na nagtamo ng malalim na laslas sa leeg ay kinilalang si Marvin, habang arestado naman ang 24-anyos na barberong suspek na kinilala namang si Dante, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, bago naganap ang krimen, pasado alas-12:00 ng madaling araw habang nagkakasayahan ang lahat sa pagsalubong ng Bagong Taon ay napagtripan ng suspek na itumba ang motorsiklo ng biktima.
Nagalit ang biktima at nagkaroon nang pagtatalo ang dalawa hanggang sa umuwi ng kanilang bahay ang suspek at kinuha ang labaha.
Binalikan nito ang biktima at walang kaabug-abog na nilaslas ang leeg dahilan nang agaran nitong pagkasawi.
Agad naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong murder.
- Latest