MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang lima pa ang nailigtas matapos na lumubog ang sinasakyan nilang motorboat sa karagatang sakop ng Northern Samar kahapon, bunsod ng malalakas na alon.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang mga nasawi ay nakilalang sina Jocelyn Irinco, 50, at Aurora Mengullo, 68, habang ang mga nakaligtas naman ay sina Nelson Castante, 19, na siyang operator ng motorboat; Darwin Castante, 18; Salvacion Irinco, 28; Arlito Acedera, 58; at Elmer Acedera, 30, pawang residente ng Barangay Sulitan, Catubig.
Sa imbestigasyon, alas-11:30 ng tanghali nitong Linggo nang maglayag ang motorboat, lulan ang mga biktima mula sa Barangay Rawis patungong Batag Island.
Gayunman, binayo ng malalakas na alon ang motorboat na nagresulta sa pagtaob at malaunan ay paglubog nito.
Dakong alas-3:50 ng madaling araw kahapon nang makatanggap ng ulat ang substation ng PCG sa Laoang kaugnay sa naganap na trahedya sa Barangay Rawis, bayan ng Laoang kaya’t kaagad na rumesponde ang mga ito.