3 kaanak mula Pinas pinatay ng Fil-Am sa California
MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na Filipino American ang inaresto dahil sa pagpatay nito sa tatlo nitong na kaanak sa Baldwin Park, California.
Kinilala ng Los Angeles County Medical Examiner ang mga biktima na sina Mia Chantelle Narvaez, 8-anyos, Paul Sebastian Manangan, 16-anyos, at Rona Nate, 44-anyos na nagtamo ng mga saksak sa itaas na bahagi ng katawan.
Ayon sa mga kapitbahay, ang mga biktima ay mula sa Pilipinas.
Nagtamo ang mga biktima ng kabi-kabilang saksak sa katawan na ikinamatay on the spot ng mga ito araw ng Huwebes, o isang araw matapos ang Pasko.
“I heard the little girl screaming coming out and crying for help, saying, ‘Someone call 911. My brother stabbed my mom in the back, I saw blood,” pagbabahagi ng kapitbahay ng biktima.
Rumesponde ang Baldwin Park Police Department alas-6:48 ng gabi ng Huwebes sa 4700 block ng Bogart Avenue, sa pagitan ng Maine at Phelan Avenues, kung saan nila naabutan ang mga biktima na wala nang buhay.
Bilang paggalang sa pamilya ng mga biktima, hindi isiniwalat ng mga otoridad ang eksaktong uri ng relasyon sa pagitan ng suspek at ng mga biktima.
Subalit, kinumpirma ng mga imbestigador na nakatira ang suspek sa bahay ng mga biktima.
- Latest