Parak nag-amok sa bus: 1 todas, 2 kabaro sugatan

Nakakulong na ang suspek na si P/Cpl. Alfred Dawatan Sabas ng Police Station 7 sa General Santos City, sakop ng Police Regional Office-12, nang maaresto ng mga kapwa pulis na nagresponde sa insidente.
STAR/ File

Inaway ng live-in partner

MANILA, Philippines — Arestado ang isang pulis matapos na makapatay ng pasahero nang mag-amok sa loob ng bus nang awayin ng kinakasama at nakasugat pa ng dalawang kabaro na nagresponde sa lugar na naganap sa boundary ng Cotabato at Davao del Sur kahapon ng madaling araw.

Nakakulong na ang suspek na si P/Cpl. Alfred Dawatan Sabas ng Police Station 7 sa General Santos City, sakop ng Police Regional Office-12, nang maaresto ng mga kapwa pulis na nagresponde sa insidente.

Ayon kay Police Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, naganap ang madugong insidente sa boundary ng Barangay Batasan sa Makilala, Cotabato at sa Barangay New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.

Sakay ng isang bus ang noon ay lasing na si Sabas, kasama ang kanyang live-in partner na si Phoenix Marie Delos Santos na dati umanong shabu dealer na naaresto sa buy-bust operation sa Kidapawan City noong Pebrero 2024, pero nakalaya sa probation program ng pamahalaan.

Nag-away umano ang mag-live-in partner sa loob ng bus  bago inilabas ng suspek ang kanyang 9 millimeter pistol at namaril ng mga kapwa pasahero na nagsanhi ng agarang pagkamatay ng pasaherong si Reynaldo Bigno, Jr.

Binaril at nasugatan din ni Sabas ang dalawang kasapi ng 11th  Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-11 na sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Patrolman Russel Love Tapia na nagresponde sa insidente mula sa kanilang hindi kalayuang checkpoint.

Nagtangkang tumakas si Sabas na hinihinalang lulong sa droga at alak ngunit nasukol din at naaresto ng mga kasama ng dalawang pulis na kanyang nabaril na ngayon ay kapwa ginagamot na sa isang hospital.

Show comments