7-anyos nasapol ng ‘boga’, 4-anyos kapatid damay
Napulot na paputok inuwi, kinalikot..
MANILA, Philippines — Kapwa sugatan ang 7-anyos at kapatid na 4-anyos makaraang masabugan ng napulot na paputok na “boga” na iniuwi sa kanilang bahay, kamakalawa sa Brgy. Mabuhay, bayan ng Carmona, dito sa lalawigan.
Pawang inoobserbahan sa Dasmariñas City Public Hospital ang magkapatid na nasabugan na sina Prince Kyle, 7-anyos at Princess Francilyn, 4-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-7 ng umaga habang naglalakad ang batang si Prince Kyle papauwi nang makita nito ang isang PBC tube o kilala sa tawag na “boga” na agad nitong pinulot. Iniuwi nito sa kanilang bahay ang boga at pagdating dito, kinalikot niya ito saka hinimas-himas na lingid sa kaalaman nito ay may mga black powder pa ang nasabing paputok dahilan upang biglang sumabog.
Sa lakas ng pagsabog, tumilapon si Prince Kyle at napuruhan ang mga kamay nito habang nadamay ang kapatid nitong babae na si Princess Francilyn na natutulog lang mga oras na iyon.
Mabilis na itinakbo ang magkapatid sa Pagamutang Bayan ng Carmona at agad ring inilipat sa Dasmariñas City Public Hospital dahil sa maselang kalagayan.
- Latest