Brand labels sa mga imported na bigas planong alisin ng DA
MANILA, Philippines — Planong alisin ang brand labels sa mga imported na bigas sa harap na rin ng mga reklamo na ilang negosyante sa industriya ang nagmamanipula sa sistema upang lumobo ang presyo ng bigas at mapagsamantalahan ang mga mamimiling Pilipino.
Ito ang inanunsiyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., matapos ang ilang pagbisita sa mga palengke at napansin na kaming sinasadya ng ilang traders at retailers na lituhin ang mga mamimili sa mga branded na imported na bigas upang mabigyang katwiran ang mataas na presyo ng bigas.
Bukod sa pagtatanggal sa brand names, iniutos ni Laurel na alisin ang “premium” at “special” sa imported na bigas, na pinaniniwalaang ginagamit para maitaas ang presyo.
Hindi naman saklaw dito ang mga lokal na produktong bigas upang protektahan ang mga Pilipinong magsasaka at traders.
Batay sa datos na nakuha mula sa retailers, traders at importers, dapat ay nasa P6 hanggang P8 mark-up kada kilo lamang ang ipataw sa imported na bigas na sapat ng kita upang mapanatili ang operasyon ng lahat ng partidong may kinalaman sa supply chain.
Inihalimbawa dito ang bigas na binili sa Vietnam sa halagang P40 per kilo, ang consumer price ay hindi dapat na sumobra sa P48 per kilo.
- Latest