Christmas Day tragedy
MANILA, Philippines — Isang 49-anyos na tricycle driver ang nasawi nang pagtulungang pagsasaksakin ng kanyang apat na kapitbahay sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal, kahapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Dandy delos Santos.
Naaresto ang tatlo sa mga suspek na kinilalang sina alyas ‘Richard,’ 43, gym instructor; ‘Ric,’ 47, machine operator; at ‘Kyle,’ 22, habang nakatakas naman ang isa pa na si alyas ‘John,’ 44, tricycle driver.
Sa ulat ng pulisya, ala-1:30 ng madaling araw ay nagbubukas ng pinto ang biktima nang lapitan ng mga suspek at pagtulungang saksakin.
Nakita ng mga kaanak ang apat na suspek habang duguan nang nakabulagta at walang buhay ang biktima.
Kaagad inireport sa pulisya ng mga kaanak ng biktima na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlo sa mga suspek.