Biktima ng paputok nasa 43 na - DOH

MANILA, Philippines — Nasa 43 na ang bilang ng mga nabiktima ng paputok o firework-related injuries (FWRI) ngayong taon, o mula Disyembre 22 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 25, 2024.

Sa datos ng Department of Health (DOH), nabatid na nakapagtala pa sila ng 18 bagong kaso sa pagsalubong ng Pasko ngayong 2024.

Mas mababa naman ito kumpara sa 28 kaso na naitala noong Disyembre 25, 2023.

Ayon sa DOH, nasa 39 sa mga biktima ay mga lalaki habang apat naman ang babae.

Nasa 37 o 86% naman ay nabiktima ng ilegal na paputok, kabilang ang boga, 5-star at piccolo.

Karamihan naman umano sa mga nabiktima ng paputok ay nagkakaedad ng 19-taong gulang pababa na nasa 34, habang siyam naman ang nagkakaedad ng 20 taong gulang pataas.

Patuloy na pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na salubungin ang Pasko at Bagong Taon nang ligtas at malusog.

Show comments