Pondo para sa ayuda ng mahihirap, paglaanan – Romualdez

Speaker Ferdinand Martin Romualdez

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang paglalaan ng Senado at Kamara de Representantes ng pondo para mabigyan ng ayuda sa susunod na taon ang mga mahihirap at mga pamilya na kapos ang kinikita. Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa isang talumpati bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa Christmas break.

Sinabi ng lider ng Kamara na maraming pamilyang Pilipino ang nangangailangan ng tulong bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pandaigdigang hindi pagkakasundo, at mga nagdaang kalamidad kaya iginiit ng Kamara ang pangangailangan na magkaroon ng pondo para sa ayuda.

Iginiit din ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi lamang paggawa ng batas ang kanilang trabaho kundi maging ang pagtiyak na ang mga batas na ginawa ay makapagbibigay ng pag-asa at dignidad sa bawat pamilyang Pilipino.

“Sa mga kontra sa ayuda, handang ipakita ng administrasyong ito kung saan napunta ang bawat sentimong inilaan para rito. Ang may hawak ng pondo, ang mga departmento tulad ng DSWD, DOLE at DOH. Sila ang nagpapatakbo ng programa, hindi ang Kongreso,” wika pa ni Romualdez.

Ipinunto ni ­Speaker Romualdez na ang badyet, na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago matapos ang 2024 ay tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Sa pamamagitan ng 2025 national badyet, sinabi ni Speaker Romualdez na matutulungan ang mga nangangailangan ng tulong na papasa sa mga kuwalipikasyong itinakda ng programa.

Show comments