Election officer inambus, kapatid todas
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Commission onfn Elections (Comelec) na nakaligtas sa kamatayan ang isang election officer ng Sulu matapos tambangan ng armadong kalalakihan subalit minalas na nasawi ang kanyang kapatid sa Zamboanga City nitong Sabado.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia. idineklarang ligtas si provincial election supervisor (PES) Atty. Vidzfar Julie, 51 anyos at bandang hapon ng Sabado ay nakatanggap siya ng impormasyon na patay na ang kapatid na si Nasser Amil, 57, dahil sa tinamong bala sa pananambang.
Nasa loob ng isang itim na Toyota Fortuner si Julie at ang kanyang kapatid nang tambangan sila ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ibinahagi ni Garcia sa media ang screenshot ng post ni Atty. Julie sa Facebook na may nakasulat na : “Mga duag kong matapang kayo magpakilala kayo kung sino kayo para walang madamay ibang tao, buhay pa ako mga duag.”
Mariing kinondena ni Garcia ang pag-atake laban sa nasabing election officer sa Sulu.
Una nang ipinag-utos ni Garcia na ilipat ng pwesto ang mga election officer na nakatanggap ng death threats matapos ang pamamaslang noong Nobyembre sa isang election officer sa Lanao del Norte na sinasabing nakatanggap ng pagbabanta sa buhay matapos ang Barangay at Sangguniang Kabataan 2023 elections.
- Latest