PNP: Walang banta sa seguridad ngayong kapaskuhan
Heightened alert mananatili
MANILA, Philippines — Magiging matahimik ang pagdiriwang ng kapaskuhan ngayon taon dahil tiniyak ng Philippine National Police kahapon na wala silang namo-monitor na anumang seryosong banta sa seguridad sa yuletide season.
Sa kabila nito, sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Jean Fajardo na nanatiling nasa heightened alert status ang PNP sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at tatagal ito hanggang sa Traslascion ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2025.
“Hindi tayo nagkukumpiyansa. Palagi tayong nagmo-monitor at nakikipag-coordinate sa ibang security forces at mine-maintain natin ‘yung ating active security stance para ‘di tayo malusutan ng anumang banta sa ating seguridad,” saad ni Fajardo sa isang radio interview.
Ayon kay Fajardo, simula pa noong Disyembre 15 ay nasa heightened alert na ang PNP bilang paghahanda sa mahabang panahon ng kapaskuhan at tuloy ito hanggang sa piyesta ng Itim na Nazareno. Nasa 40,000 na pulis ang idineploy sa buong bansa upang magbantay sa mga bus terminals, daungan at paliparan sa inaasahang exodus ng mga tao ngayong kapaskuhan. Nagtalaga rin ang PNP ng K9 units sa mga pampublikong terminal upang tumulong sa pag-iinspeksiyon ng mga bagahe ng mga pasahero.
Samantala, nakatakda ring magselyo ang PNP ng dulo ng mga baril ng mga pulis upang tiyakin na walang mangyayaring indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon ng 2025.
Pinaalalahanan din ni Fajardo ang publiko na iwasan ang magpaputok ng firecrackers sa mga residential area upang maiwasan ang panganib tulad ng sunog. Aniya, bawal ang paggamit ng mga malalakas at delikadong paputok tulad ng mga boga, superlolo, Binladen, superbawang at iba pa para maiwasan ang disgrasya.
- Latest