Trahedya sa Philippines -US military exercise..

Sundalong Kano patay sa lunod sa Ilocos

MANILA, Philippines — Nabahiran ng trahedya ang isinasagawang joint military training, matapos na aksidenteng malunod ang isang mi­yembro ng United States (US) Marines nang maligo sa karagatan sa kasagsagan ng malalakas na alon sa Brgy. Baru­yen, Bangui, Ilocos Norte kamakalawa.

Sa report ng Ilocos Norte Police, kinilala ang biktima na si US Marine Corporal Edmond Zhu, 20 taong gulang.

Si Zhu at iba pang US Marine ay pansamantalang nasa Laoag City, Ilocos Norte kaugnay ng isinasagawang joint military exercises sa counterpart ng mga ito sa Philippine Marines.

Ayon sa imbestigas­yon, habang naka-break ay nagkatuwaang maligo sa dagat sina Zhu at isa nitong kasamahan si Corporal Isaac Torres na naglangoy sa dagat

Hindi umano inabisuhan nina Zhu ang kaniyang counterpart sa Philip­pine Marines ma­ging ang kanilang mga US Marine officer sa paliligo ng mga ito sa nasabing karagatan matapos naman ang mga itong mahalina sa ganda ng dagat.

Gayunman, habang naglalangoy ang mga ito ay tinangay ng malalakas na alon si Zhu kung saan ay agad namang humingi ng tulong si Torres nang makitang nagkakawag na ang kasamahang US Marine.

Nagawang maiahon sa dagat ang nasabing US Marine matapos na sumaklolo ang counterpart na Philippine Marines pero bagama’t nagawa pa siyang maisugod sa pagamutan ay idineklara na itong dead-on-arri­val.

Show comments