MANILA, Philippines — Nanindigan si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na isusulong niya ang isang mahalagang reporma o pagbabago sa Philippine National Police (PNP) partikular ang pagkakaroon ng impluwensiya ng mga pulitiko sa paglalagay sa puwesto ng mga opisyal nito.
Ayon kay Dela Rosa, kapag muli siyang nahalal bilang senador, bibigyan prayoridad niya ang pag-amyenda sa Local Government Code, lalo na ang probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa local chief executives na pumili ng nais nilang maging chief of police.
Ang tinutukoy ng senador, na dating naging hepe ng PNP, ay ang pagkuha ng basbas ng mga local official para sa magiging regional at provincial director o kaya’y, city o municipal chief of police ng nasasakupan ng mga ito.
“I’ve been a policeman my whole life. The most productive years of my life ginugol ko d’yan sa kapulisan kaya alam ko what ills our organization. Kung ano talaga ang pinakamalaking problema sa aming organisasyon, ‘yang pakikialam ng mga pulitiko sa aming hanay. ‘Yan ang pinakamabigat,” pagbibigay-diin nito.
Nitong 19th Congress, si Dela Rosa naging sponsor at nagdepensa ng panukalang batas na naglalayong magkaroon ng organizational reforms sa PNP.
Subalit, ang probisyon na nagmumungkahing alisin sa local chief executives’ ang kapangyarihan sa pagpili ng city/municipal chief of police ay hindi napabilang sa pinal na bersyon ng Senate bill.
Pumayag si Dela Rosa na mangyari ito upang bigyan-daan ang pagpasok ng iba pang panuntunan kabilang ang pagtatakda sa 57 years old ang retirement age ng mga kasapi ng PNP, na hindi rin naman kinatigan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.