MANILA, Philippines — Upang bigyang-daan ang masusi at komprehensibong pagsusuri sa panukalang pambansang pondo na magsisilbing gabay sa direksyon ng bansa sa susunod na taon ay ipinagpaliban muna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglagda sa P6.352 trilyong 2025 national budget na nakatakda sana sa Disyembre 20.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang pag-aaral o pag-review sa panukalang 2025 national budget ay pinangungunahan mismo ni Pangulong Marcos sa pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga pangunahing kagawaran.
Bagaman at wala pang eksaktong petsa kung kailan ito lalagdaan, ipinaliwanag ni Bersamin na may ilang mga probisyon at bahagi ng panukalang pambansang badyet ang ibe-veto para sa kapakanan ng publiko, upang umayon sa fiscal program, at bilang pagsunod na rin sa mga umiiral na batas. Una nang sinabi ni Marcos na hahanapan niya ng paraan na maibalik ang P10 bilyong tinapyas na pondo ng Kongreso sa Department of Education. Dinipensahan din ni Marcos ang hindi paglalaan ng Kongreso ng budget para sa subsidiya sa PhilHealth.