Kalahati ng bayad sa pagpapa-ospital sagot na ng PhilHealth
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babawasan ang premium contribution rates ng mga miyembro mula 5% patungong 3.25% at palalawakin ang hospital coverage ng hanggang 50% simula sa susunod na buwan, kahit walang natatanggap na subsidiya mula sa gobyerno.
Ginawa ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang pangakong ito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Kamara nitong Martes, bilang tugon sa panawagan ng mga mambabatas na mas gamitin ang malaking pondo ng ahensya para direktang makinabang ang mga miyembro.
Hiniling ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na tiyakin ng PhilHealth ang pagbaba ng kontribusyon ng mga miyembro, lalo’t may sobra itong pondo. “Pwede bang mangako ang PhilHealth President? Sinasabi ninyo na tataas ng 50% ang coverage, na pinasasalamatan namin. Pero hindi pa ninyo natutupad ang mandato na ibaba ang premium contribution,” giit ni Bongalon.
Ipinaliwanag niyang mandato ng PhilHealth na bawasan ang kontribusyon kapag lumampas ang reserve funds sa kinakailangang ceiling para sa mga gastusin.
Kinumpirma ni Ledesma ang kanilang plano na irekomenda ang pagbaba ng premium contribution, na tumutugma sa panukalang batas sa Senado para ibaba ang rate mula 5% patungong 3.25%.
- Latest