MANILA, Philippines — Maagang napaskuhan ang mga kawani ng gobyerno at maging ang mga uniformed personnel matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) 27 na nagbibigay ng service recognition incentives (SRI) para sa taong 2024 epektibo ngayong araw, Disyembre 15.
Nakasaad sa AO na magbibigay ng pahintulot para sa isang beses na pagbibigay ng SRI na may pantay na halaga na P20,000 bawat isa sa mga kawani ng gobyerno, maging sibilyan at militar ng hindi mas maaga sa Disyembre 15, 2024.
Kabilang sa mga makikinabang sa SRI ang mga sibilyang kawani ng mga ahensya ng pambansang gobyerno, kabilang ang mga nasa mga state universities at colleges (SUCs) at mga government-owned or-controlled corporations, “na may mga regular, kontraktuwal o pansamantalang posisyon.”
Gayundin mga miyembro ng militar ay kabilang din sa mga makakatanggap ng insentibong cash tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP); Philippine National Police (PNP); Bureau of Fire Protection (BFP) Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); Bureau of Corrections (BuCor) Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information.
Ang mga makakatanggap ng SRI ay dapat regular, contractual o casual positions at nanatili sa government service hanggang Nobyembre 30, 2024 at may kabuuang 4 na buwan sa serbisyo.