MANILA, Philippines — Nabawi ng isang tinderang sumasali sa mga marathon sa isang lalaking nakamotorsiklo na tumangay ng kaniyang bagong cellphone sa Sampaloc, Maynila, naganap nitong Miyerkules ng tanghaling tapat.
Sa ulat, sinabing nangyari ang insidente sa katirikan ng araw nitong Miyerkules nang isang rider ang bumili noon sa tindahan ng biktimang si Genelyn Dayao.
Nang paglingat niya upang kunin ang binibili, agad na lang dinakma ng rider ang kaniyang bagong-bagong cellphone.
Ngunit sa halip na masindak, agad hinabol ni Dayao ang suspek, na agad nakasakay ng motorsiklo.
Sa pagmamadali ng suspek, bumangga ang motorsiklo nito sa isa pang motorsiklong napadaan sa lugar at nalaglag ang cellphone na tinangay nito kay Dayao kaya agad itong nabawi.
Napag-alaman na matuling tumakbo si Dayao dahil panay ang hakot niya ng medalya sa iba’t ibang marathon.