Top NPA lider, arestado sa Cebu
MANILA, Philippines — Isang high ranking na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang operasyon sa Cebu City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, Director mula sa CIDG Cebu City Field Unit, alas- 9:30 ng gabi nang isagawa ang Oplan Salikop sa Plaza Sa Katawhan, Cebu Coastal Road ng lungsod.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si alyas Ka Marlo, Squad Leader ng Squad 1, Sandatahang Unit Propaganda, Platoon Central Negros 1 at Team Leader ng SPARU unit, ang hit squad ng CPP-NPA na nago-operate sa Negros Island.
Si Ka Marlo ay may warrant of arrest sa kasong double murder na inisyu ni Hon. Rosario Carriaga, Assisting Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ng Guihulngan City, Negros Oriental kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantala nitong kalayaan.
Sinabi ni Torre na si Ka Marlo ay na-recruit sa kilusan ng CPP-NPA noong 2016 ng isang tinukoy sa alyas na Ka Jembo sa Guihulngan City, Negros Oriental at simula nito ay nasangkot na ito sa mga bayolenteng aktibidades.
Sa tala noong 2018 ay nasangkot ang grupo ni Ka Marlo sa engkuwentro sa tropa ng Philippine Army sa Kabankalan, Negros Occidental.
- Latest