MANILA, Philippines — Naghain si dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo ng not guilty plea sa reklamong material misrepresentation ng Comelec sa Capas, Tarlac Regional Trial Court Branch 66.
Nabatid na isinagawa ang arraignment sa pamamagitan ng video conference sa pangunguna ni Judge Ronald Leo Haban.
Sinabi ng abogado ni Guo, na tama ang deklarasyon nitong Filipino citizenship sa kanyang certificate of candidacy noong 2022, na batay sa kanyang live birth certificate na inisyu sa Pilipinas.
Gayunpaman, may hiwalay na kasong kumukuwestiyon sa pagiging lehitimo ng kanyang birth certificate, na nagsasabing siya at isang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisang tao.
Ayon pa sa abogado ni Guo, hinihintay ang resolusyon ng iba’t ibang may kaugnay na kaso, iginiit ng kampo ni Guo na premature ang paratang ng misrepresentation dahil sa kanilang pananaw ay Filipino citizen pa rin siya.
Inaasikaso na ang piyansang P36,000 para sa pansamantalang kalayaan sa kaso at hinihintay rin ng kampo ni Guo ang desisyon ng Pasig RTC kaugnay ng kanyang petisyon para sa piyansa sa kasong qualified human trafficking, na may kaugnayan naman sa mga na-raid na POGO hub.