13 Pinay lumabag sa surrogacy ban sa Cambodia, kulong ng 2 taon
MANILA, Philippines — Labintatlong Pinay ang sinentensiyan ng korte ng Cambodia ng 2 taong pagkabilanggo dahil sa paglabag sa surrogacy ban.
Ayon kay Philippine Ambassador to the Cambodia Flerida Ann Camille Mayo, na-recruit online ang mga Pinay sa pamamagitan ng private messaging o texting ng isang Philippine-based agency na nag-aalok ng surrogacy services.
Ang 13 Pinay ay kabilang sa 24 na dayuhang babae na ikinulong ng Cambodian police sa Kandal province noong Setyembre, at kinasuhan ng attempted cross-border human trafficking.
Sinabi ng korte na mayroon itong matibay na ebidensya na nagpapakita na ang 13 ay “have the intention… to have babies to sell to a third person in exchange for money, which is an act of human trafficking.”
Hindi na nagbigay pa ng detalye ang korte kung ano ang mangyayari sa mga sanggol ng 13 kapag sila ay isinilang na.
Makukulong naman ng dalawang buwan ang babaeng Cambodian na nagluluto ng pagkain para sa mga buntis na Pinay sa pagiging kasabwat nito.
Magugunitang noong 2016 ay nag-isyu ang Cambodia ng snap ban sa commercial surrogacy.
- Latest