Obrero tigok sa suntok ng kainuman
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang nasawi nang mabagok ang ulo sa bakal matapos na suntukin ng kanyang kainuman sa tapat ng isang tindahan sa San Mateo, Rizal, nabatid kahapon.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan dahil sa pinsalang tinamo sa ulo ay kinilalang si Arnold Angon, 54, maintenance, at residente ng Marikina City.
Tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na kinilala lang sa alyas na Gregorio, 30, construction worker at residente rin ng Marikina City.
Sa pagsisiyasat ng San Mateo Municipal Police Station, bago naganap ang insidente, alas-9:00 ng gabi sa harapan ng isang sari-sari store sa Lower Ambugraw, Purok 2, Buntong Palay Brgy. Silangan, San Mateo ay nagkayayaan ang biktima at suspek na mag-inuman.
Nang kapwa malasing ay nagkaroon ang mga ito ng pagtatalo sa hindi pa malamang kadahilanan nang bigla na lang sinuntok ng suspek ang biktima.
Sa lakas ng suntok, nawalan ng balanse ang biktima at nawalan ng malay matapos na mabagok ang ulo sa bakal ng tindahan.
Tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot ng buhay.
- Latest