MANILA, Philippines — Pinarangalan ng AFP-Visayas Command ang isang Aspin tracking dog na nagbigay daan sa pag-iskor ng tropa ng mga sundalo sa pursuit operation laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa serye ng engkuwentro sa Negros Occidental kamakailan.
Ayon kay Lt. Col.Israel Galorio, Chief ng Public Information Office ng AFP-VISCOM, ang pambihirang seremonya para parangalan ang K9 tracking dog na si Itum ay ginanap sa kanilang himpilan.
Sinabi ni Galorio na malaki ang naitulong ni Itum sa naging tagumpay sa serye ng engkuwentro sa Negros Occidental sa pagitan ng Army’s 47th Infantry Battalion (IB) at 15th Infantry Battalion (IB) para masupil ang nalalabi pang miyembro ng NPA’s Southwestern Front nitong huling bahagi ng Nobyembre.