Pangulong Marcos nabahala sa Russian attack submarine sa WPS

MANILA, Philippines — Lubhang nabahala kahapon si Pa­ngulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa nakitang Russian attack submarine sa West Philippine Sea noong nakaraang linggo.

“That’s very concerning. Any intrusion into the West Philippine Sea, of our EEZ, of our baselines is very worrisome. Yes it’s just another one,” ani Marcos sa reporters.

Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na hahayaan niya ang militar ng Pilipinas na talakayin ang usapin.

Nitong Lunes nang kumpirmahin ni Philippine Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na namonitor nila ang presensya ng Russian attack submarine.

Mula sa Malaysia, unang nakita ang Russian attack submarine sa layong 80 nautical miles kanluran ng Occidental Mindoro noong Nobyembre 28.

Agad nagpadala ang Philippine Navy ng sasakyang panghimpapawid at barkong pandigma para subaybayan ang paggalaw ng sasakyang pandagat ng Russia.

Sinabi ni Trinidad na ipinarating din sa kanila ng Navy officers ng naturang Russian vessel na hinihintay lamang nila na bumuti ang lagay ng panahon bago tumuloy patungong Vladivostok, Russia.

Ineskortan ng naval forces ng PH Navy kabilang ang FF150 ang namonitor na Russian submarine bilang pagtalima sa regulasyon sa karagatan sa loob ng nasasaklaw ng 200 EEZ.

Show comments