MANILA, Philippines — Isang 5-anyos na paslit ang nasawi nang masagasaan ng ambulansiya sa Taytay, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital System (RPHS) dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan ay kinilalang si Donn Isaiah Izaac Bagcal, residente ng Brgy. San Juan, Taytay.
Arestado naman ang suspek na si alyas ‘Eugene,’ 37, ng Lupang Arienda, Brgy. Sta. Ana, Taytay.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, alas-6:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Malakas St., Ynares Avenue, Purok ll, Lupang Arenda, Brgy. Sta Ana, Taytay.
Nabatid na minamaneho ni Eugene ang ambulansiya (FGI 346) na kagagaling lamang sa Quirino Memorial Medical Center patungong Brgy. Sta. Ana, Taytay, nang aksidente nitong mabangga ang biktima.
Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin. Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.