Motor ng mister, sumemplang
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 32-anyos na lady pharmacist nang mapisak ng tractor head matapos na mahulog sa sumemplang na motorsiklo na minamaneho ng kanyang mister nitong Biyernes ng gabi sa Mel Lopez Blvd., Tondo, Maynila.
Kinilala ang nasawing biktima na angkas na si Gizelle Canlapan habang sugatan ang kanyang mister na rider na si John Carlo Canlapan, 31, kapwa residente ng Rodriguez St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bago naganap ang aksidente, alas-11:00 ng gabi sa northbound ng Mel Lopez Blvd, harapan ng Building 22 at 24 sa Katuparan, Barangay 101, Tondo ay binabagtas ng Yamaha NMAX na minamaneho ni Canlapan at angkas ang misis na si Gizelle nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-alangan ang asawa ng biktima matapos lumabas ang isang motorsiklo mula sa Katuparan Street kaya napahinto ang rider na nagresulta ng kanilang pagsemplang.
Sa pagbagsak ng mag-asawa ay eksaktong kasabayan nila ang isang tractor head na may trailer at nagulungan si Gizelle samantalang nagtamo ng mga galos ang mister.
Patuloy na nagsasagawa ng backtracking ang mga otoridad sa iba pang kalapit na barangay upang mahanap ang driver ng truck na mahaharap sa reklamong reckless driving resulting in homicide, physical injury at damage to property.