Chinese hinatulan makulong ng 2 habambuhay

Sa pagpapatakbo ng prosti den sa POGO workers…

MANILA, Philippines — Dalawang habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng Pasay City court sa isang Chinese national na napatunayang nagpapatakbo ng isang prostitution den na ang mga parokyano ay pawang mga POGO workers.

Sa 69-pahinang desisyon na inilabas nitong Nobyembre 28 ng Pasay Regional Trial Court Branch 113, ‘guilty beyond reasonable doubt’ si alyas “Boss Ayang” sa mga paglabag sa Republic Act 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) at pinagmumulta ng P4-milyon.

Nag-ugat ang kaso sa isinagawang raid ng Presidential Anti-Orga­nized Crime Commission (PAOCC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) sa isinagawang raid sa isang condominium complex, sa Pasay City noong Nob. 25, 2023.

Labing-apat na Pinay kabilang ang isang menor de edad ang ­naisalba mula sa prostitution den sa pagbubugaw sa kanila na eksklusibo sa POGO workers.

Isa sa biktima ang nagsabi na nasa 30-50 kliyente ang naseserbisyu­han ng sekswal sa loob lamang ng isang buwan.

Ipinadadala sila ni Ayang sa iba’t ibang hotel o condominium para sa kliyente at sa kikitain sa bawat transaksyon ay kahati nila si Ayang.

May dalawang ­akusado naman ang inabswelto ng korte, dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Isang Pinay na tagakolekta lamang ng share mula sa mga babae para ibigay sa amo na si Yang habang ang isang Chinese national na babae ay natukoy na live-in partner ng akusado ay itinurn-over na sa Bureau of Immigration para sa deportasyon.

Show comments