MANILA, Philippines — “Ipagpaliban muna ang pagdinig.”
Ito ang hiniling ni Vice President Sara Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y binitiwan niyang banta na ipapapatay sina Pang. Ferdinand Marcos Jr., kanyang maybahay na si First Lady Liza Marcos at si House Speaker Martin Romualdez.
Matatandaang una nang sinilbihan ng NBI ng subpoena si VP Sara at inatasang magtungo sa tanggapan ni Director Jaime Santiago nitong Biyernes upang magpaliwanag hinggil sa naturang isyu.
Gayunman, nabigo si VP Sara na magtungo sa NBI headquarters dahil hindi kaagad nito natanggap ang abiso na hindi matutuloy ang hearing ng Kamara, hinggil sa paggamit ng Office of the Vice President sa kanilang confidential funds, na nakatakda rin sana nitong Biyernes.
Nabatid na nagpadala ng liham ang mga abogado ni Duterte sa NBI hinggil dito.
Hiniling rin nila na mabigyan sila ng malinaw na kopya ng reklamong inihain laban sa bise presidente, o di kaya ay iba pang dokumento na nagresulta sa imbestigasyon.
Itinakda naman ng NBI ang tentative date para sa nasabing pagdinig sa Disyembre 11.